Thursday, September 29, 2005

Pagsasapalaran

Mahirap ang makipagsapalaran. Di mo malalaman kung saan ang iyong patutunguhan. Mahaba ang daan, parang walang katapusan. Paikit-ikot ang daloy ng lansangan. Minsan ang daang tinatahak ay nahahati sa maraming hinaharap. At walang pinagkakaiba ang bawat isa sa kanila. Ang paglakad sa isa ay nangangahulugang pagtalikod sa iba. Napapako ang landas sa daang linalakad, na madalas walang kamuangmuang kung saan tutungo. Eto ba ay landas kong totoo? O di kaya'y pagkakamaling pagpili ng daang palalo. Hanggang saan kaya ako matutungo rito sa aking linalakad? Walang tiyak na kasagutan na mababanaag mula sa bukang-liwaylay na tinutunguhan. Maraming uri ng daan ang naraanan na at muling lalakarin. May mabato at kay hirap tawirin. May maputik at madulas tunguhin. May makitid na daan, na parang walang lagusan; mayroon ding malalapad at waring madalas tuluyan. Mahirap talaga makipagsapalaran. Di mo alam kung may maaabutan sa dulo ng daang ginagalawan. Ikaw ba ay mayroon pangarap na tinutunguhan? O hanggang paglalakad na lamang ba ang iyong kahihinatnan?

No comments: